kailangan ko pa bang sabihing mahal kita?
September 20, 2008
Ewan ko kung masasanay pa ako na wala ka sa tabi ko.
Ngayon pa nga lang na ilang araw ka lang na wala dito, parang sobrang laki na ng kuwarto, sobrang tahimik sa paligid at sobrang wala akong magawa. Kanina nga binabato ko na yung manok sa kabilang lote e. Tapos pinapanood ko si Spidey sa kisame.
Umuulan pa naman ngayon. Malakas ang ulan. Ito pa naman ang pagkakataon na puwede sana kita isayaw sa terrace. Sori nga pala kasi hindi ko naisara agad ang mga bintana. Nabasa tuloy ang mga ibang gamit natin. Masyado kasi ako napako sa pagtingin sa labas. Ay, sori din, ‘di ko pa napapakain si Garfield, pero busog pa naman siguro siya dahil ‘di pa naman siya tumatahol.
Dalawang beses ka nang tumatawag sa’kin sa teleopno sa loob ng araw na ito kaya alam kong hinahanap-hanap mo rin ako. Sa dalawang beses na iyon, wala ako masabi kasi alam mo naman kung ano ang nangyayari sa akin ‘pag wala ka: nasa harap ng PC, nakikinig ng bossa nova at sinusubukang magsulat. Saka inuubo at sinisipon nang bonggang-bongga. Walang bago, parang penguin pa rin ako kung lumakad. Para namang napakaraming pwedeng mangyari sa isang pilay na nasa loob lang lagi ng bahay sa loob ng isang araw. Ay, highest nga pala ako sa midterms naming sa English. Wala pang review yan, ha. Yabang ko, noh?
Pero tuwing tumatawag ka, ayokong ibaba ang telepono. Wala na akong masabi pero gusto kong maramdaman na nariyan ka pa sa kabilang linya. Kahit huminga ka lang ‘dun, wala ako pakialam. Basta alam kong nandiyan ka, okey na.
Bukas, nandito ka na. May caregiver na ulit ako. Pero hindi na ako makapaghintay hanggang bukas eh. Sobrang miss na kita. Puwede ka bang mag-teleport dito?
Ngayon na.
Bilisan mo na.