huling liham para kay marilyn

February 12, 2009

 

friendsSinunog ko ang sulat ko para sa’yo kanina.

 

Hindi naman kasi dapat nobela ang sulat ko. Hindi na dapat sabihin ang maraming bagay. Karamihan ng nandoon ay puro galing sa nakaraan – hindi na dapat ungkatin pa dahil alam kong matagal na panahon din ang kinailangan para tuluyang gumaling ang mga sugat mo galing sa nakaraan na iyon.

 

Parte ako ng nakaraan at kasalukuyan mo. Hindi ko alam kung magiging bahagi pa ba ako ng hinaharap mo. Tanggap ko nang magkaiba tayo at magkaibang landas ang kailangan nating sundan. Misyon mo sa buhay ang ihanda ang mga nilalang para sa oras na kailangan na nilang lumisan sa mundo. Misyon ko ang pagandahin at gawing maligaya ang mundo ng mga nabubuhay na tao. Siguro darating talaga ang panahon na kailangan nating humiwalay ng landas sa isa’t-isa… pero kung ito na ang panahon na iyon, Masaya ako para sa ating dalawa.

 

Pinagpala tayo. Alam kong hindi ordinary at mas lalong hindi aksidente na nagkrus ang landas natin pitong taon na ang nakalipas. Sinadya Niyang ibigay tayo sa isa’t isa para magkasamang hanapin ang mga sarili natin. Saksi ang pitong taong iyon sa napakaraming pagbabago sa buhay natin – sakit, saya, pag-ibig at kabiguan. Pitong taon ang nakalipas, hindi na tayo parehas ng dati.

 

Alam kong dahan-dahan ka nang napalayo sa akin, pero alam ko ding unti-unti mo nang nakikita ang kaligayahan mo. Tulad ng sabi ko sa’yo dati, nararapat lang na maging maligaya ka dahil likas na mabuti ka. At alam ko rin na ang pagpasok mo sa loob ang isang bagay na matagal nang nararapat sa’yo. Kinailangan lang talaga siguro ng panahon upang mapagtanto mo ito.

 

Tulad ng haba ng panahon na iginugol ko para matiyak ang pangarap ko. Masaya na rin ako ngayon, kung gusto mong malaman ang lagay ko. Mas sigurado na ako sa sarili at mga desisiyon ko. Marunong na akong magparaya at magtiwala. Tinuruan mo ako.

 

Hindi naman din talaga ako nag-aalala na hindi tayo magkita o makapag-usap sa loob ng tatlong taon. Hindi naman talaga natin ginagawa ‘yun. Aaminin ko na hinahanap ko rin minsan yung araw-araw nating pag-uusap at palitan ng mga libro, pero alam kong kailangang magbago ‘yun. Wala naman akong pinagsisisihan.

 

Wala naman talaga akong maraming dapat sabihin sa’yo. Kinailangan ko lang sumulat dahil hindi ko puwedeng gawin ang isang bagay na gusto ko bago ka tuluyang magpaalam… gusto lang sana kitang yakapin – isang mahabang yakap na nagsasabi sa’yo na ipinagdiriwang kita at ang himala ng pagkakaibigan natin. Gusto ko sanang tingnan ka sa mata at sabihin na sa kabila ng lahat ng nagbago, hindi nagbago ang pagtatangi ko sa’yo – ikaw ang pinakamatalik kong kaibigan, ang naging kasama ko sa mga oras na naliligaw ako at nag-iisa. Lahat ng mga sinabi ko sa’yo noon, totoo pa rin hanggang ngayon, kahit hindi mo na naririnig ang mga iyon sa akin.

 

Mahal na mahal kita. Espesyal ka sa’kin. Nandito ako para sa’yo… pamilyar na ‘yan sa pandinig mo. Pero ‘yan pa rin ang gusto kong sabihin sa’yo hanggang ngayon. Gusto ko pa ring malaman mo na kung darating man ang panahon na kakailanganin mo ako, huwag kang magdadalawang isip na lumapit dahil kahit gaano pa katagal, kalayo at kahit ano pang magbago, hindi magbabago ang pagtingin ko sa’yo.

 

 At kung hindi na darating ang panahon na magkikita tayong muli, wala na din akong iba pang gusting sabihin kundi salamat… maraming, maraming salamat.

 

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.